Dagdag na sahod sa mga guro sa eleksiyon pinapakuha sa intel fund ng PRRD
Iminumungkahi ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na kunin mula sa intelligence fund ng Pangulo ang pondo para sa dagdag na sahod sa mga guro na magsisilbi sa 2022 elections.
Diin ni Castro na panahon nang dagdagan ang kompensasyon sa mga guro na magsisilbi para sa poll-related services.
Ayon sa kongresista na maaari itong kunin sa P10 bilyon na pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o sa P4.5 bilyon na intelligence fund ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa’min kasi tingin natin dito ay presidential pork, hindi naman ito na-e-explain o na-audit ng Commission on Audit that’s why sinabi natin it could be possible kung gusto ni President,” pahayag ni Castro.
Nais ng grupo na madagdagan ng P3,000 ang honoraria ng mga guro dahil sa dagdag na oras sa serbisyo.
Naglabas na ang Commission on Elections kung magkano ang kompensasyon sa magsisilbi sa eleksiyon, nasa P7,000 ang honoraria ng Election Board chairman; P6,000 sa mga miyembro ng election board; P5,000 sa staff ng Department of Education; P3,000 sa support staff; at P3,000 sa medical personnel.
Nais din ng kongresista na magkaroon ng food at transportation allowance ang mga guro na dadalo sa mga training bago ang eleksiyon.
“Before it was 6 a.m. to 3 p.m., now it would be 6 a.m. to 7 p.m. and there will also be 1 day for testing and 1 day for sealing of the machine. There would be training, briefing required by Comelec to Board of Election Inspectors and other poll workers,” diin pa ni Castro.