Mga Guro Umapela Sa DepEd Para Makapagpahinga, Virtual Training Tinutulan
Hindi sang-ayon ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa isasagawang virtual in-service training (VINSET) ng Department of Education (DepEd) mula Agosto 30 hanggang sa Setyembre 3.
Ang VINSET ay paghahanda umano sa nalalapit na pagbubukas ng school year 2021-2022 na magsisimula sa Setyembre 13 ngayong taon.
“Bago pa man ang June 1, 2020 ay marami nang trabahong ginagawa ang mga guro. Nagpatuloy ito hanggang magbukas ang klase noong Oktubre 5 hanggang sa pagtatapos nito noong Hulyo 12. Ibig sabihin ay hindi pa nabigyan ng sapat na oras para makapagpahinga ang mga guro alinsunod sa sinasabi ng batas,” pahayag ni Olivia De Guzman, National Vice Chairperson ng TDC.
Ayon pa kay De Guzman ay tila hindi nalalaman ng DepEd ang kalagayan ng mga guro dahil sa halip na tugunan ang mga pangangailangan ay pulos umano mga webinar ang ipinagagawa sa mga guro sa lahat ng antas.
“May mga webinar sa school, sa district at sa division level. Inaalam ba ng DepEd kung nakakatulong ang mga ito para maging mas produktibo ang mga guro? Nakakapagpataas ba ito sa antas ng kalidad ng pagtututo?” Tanong ni De Guzman.
Iginiit ng grupo na bago sana obligahin ng DepEd ang mga guro sa ganitong aktibidad ay tiyakin muna ng ahensiya ang obligasyon niya sa mga guro.
“Inoobliga kami ng DepEd sa virtual seminars at iba pang online activities, pero ang obligasyon nilang bigyan ng libreng laptop at internet access ang mga guro ay hindi nila ginagampanan,” pagpapatuloy ni De Guzman.
Nais umano ng TDC na makausap ang pamunan ng DepEd upang matalakay ang mga usaping ito subalit hindi sila napagbibigyan.
“Kung magiging bukas lamang sa usapan at makikinig ang DepEd sa kanyang mga guro, madali sanang maikunsidera ang aming kalagayan, karanasan, sentimyento at opinyon sa mga polisiya at programang isinasagawa nila. Pero hindi namin alam kung kanino sila nakikinig o kumokonsulta,” pagtatapos ni De Guzman.
Magsisimula ngayon, Agosto 30 ang VINSET ng DepEd, opisyal na bibigyan ng trabaho ang mga guro sa araw na deklaradong national holiday kasabay sa pagdiriwang ng National Heroes Day.#