Guro sa Viral Tiktok Video Nag-Sorry
Humingi na ng kapatawaran ang guro sa viral TikTok video na iniimbestigahan ng Department of Education (DepEd) dahil sa posibilidad na mag-insinuate ng child abuse sa mga mag-aaral ang video niya.
“Naglabas na ng apology ‘yung teacher dito at sinabi niyang iyon ay katuwaan lang. Again, hindi naman natin puwedeng sabihin na lahat ng mga bagay, basta katuwaan lang ay palalampasin po natin,” sabi ni Benjo Basas, chairperson ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) nitong Lunes.
Ayon sa TDC, dapat lang na i-call out ng DepEd ang maling nagawa ng guro sa viral TikTok video.
Dagdag nito ang importansya ng pag-iimbestiga upang mas malaman ang mga detalye ukol sa pangyayari.
“Sa child abuse, hindi naman kailangan ng intention, e. Basta meron pong perceived at potential abuse na pwedeng makita ang awtoridad o ang offended party, child abuse would exist,” pagpapaliwanag nito.
Ngunit ikinadismaya ni Basas na hindi naprotektahan ang identity ng guro habang iniimbestigahan pa ito.
Ani Basas, “Ito iyong isang masakit sa amin kasi ang DepEd, is duty-bound na protektahan iyong ating teacher, iyong kanyang karapatan, iyong kanyang right to due process, ‘yung presumption of innocence ng ating teacher pero ngayon, ang nangyari po dito, nai-drag na ito sa buong mundo.
“Again hindi po namin sinasabi na walang kasalanan yung teacher. Ang sabi nga namin baka merong kasalanan eh. Pero to establish yung kasalanan po na ito, kailangan pong imbestigahan at ang imbestigasyon po ang magsasabi kung ‘yung teacher ba talaga ay masamang tao.”