Ipaubaya ang paggawa ng Self-Learning Modules sa Public Sector Publishers
Diin ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na mas makakabuti na ipaubaya ng Department of Education ang paggawa ng self-learning modules sa public sector publishers .
Ayon kay Marcoleta na ang pag-iimprenta ng mga textbook ay nauna nang ipinasa sa Public Sector Publishers. Kaya naman nararapat na ganito rin ang gawin sa modules.
Dahil hindi maikakaila na nahihirapan ang mga guro sa pagpi-print ng modules.
Dagdag ni Marcoleta na hanggang ngayon ay hinihintay niya ang paliwanag ng DepEd kung bakit huli ang procurement sa modules para sa ikaapat na quarter ng pag-aaral.
Saad ng kongresista na dapat ang 4th quarter ay magsisimula na sa Mayo 17 at matatapos sa Hulyo 10 kaya hindi na aabot ang mga module.
“Hindi na magagamit ‘yan, sa panahon na dapat gamitin sa 4th quarter start from May 17 end July 10. Masyadong late mag-procure hindi ko malaman kung sinasadya,” diin ng kongresista.
Inilahad ng kongresista na umaabot sa P4.2 bilyon ang pondong inilaan ng DepEd para sa modules sa 4th quarter.
“Bakit wala silang kaplano-plano? Ang sinasabi ko nga sa kanila magsipagbitiw na lang silang lahat para makapaglagay si Pangulong Duterte ng tao na makakapagplano,” dagdag niya.