Presidential Aspirant: One Student, One Gadget Imposible
Imposibleng mangyari ang mga panukalang bigyan ng gadget ang bawat estudyante sa bansa para maisulong ang dekalidad na edukasyon sa gitna ng Covid19 pandemic.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson na batay sa datos, nasa 30 milyon ang estudyante sa Pilipinas kaya malinaw na malaking pondo ang kakailanganin para mabigyan ang bawat isa ng gadget.
Dagdag ng senador na sa kanyang kandidatura bilang pangulo ng bansa, hindi siya mangangako ng mga bagay na malabo namang mangyari.
“Kinuwenta ko, ang kailangang pondo na manggagaling sa General Appropriations Act, mahigit P5 bilyon isang taon for six years dahil mahigit P3 trillion ang pondo para rito, hindi kami mangangako ng ganoon,” pahayag ni Lacson.
“Isa pang halimbawa, ang pangako na lahat ng estudyante bibigyan ng isang gadget. 30 milyon ang estudyante, magkano ang gadget? Hindi kami mangangako na hindi namin pinag-aaralan. Andoon kami palagi sa how, ‘yung pagde-deliver,” anang senador.
“Sinasabi ko lamang na ito dapat ang panuntunan, hindi puwedeng kunin sa kuwento at bolahan,” dagdag pa ng senador.