Bilib ako sa tibay ng puso ng ating mga guro – VP SARA
Ayon kay Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte-Carpio na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga guro sa larangan ng pagpapaunlad ng bansa.
Dagdap pa nito, katuwang ng gobyerno ang mga guro sa paglinang ng mga kabataang Pilipino para makamit nila ang kanilang mga pangarap sa buhay.
“Hindi matatawaran ang dedikasyon, lakas ng loob, at propesyonalismo ng mga Pilipinong guro. Pinapatibay ng inyong pagmamahal sa bansa at pagmamahal sa kapuwa Pilipino, lalo na sa mga kabataan ang mga pundasyon ng inyong propesyon,” ang mensahe ng kalihim sa pagsisimula ng National Teachers’ Month ngayong taon.
“Noon pa man, malaki ang paghanga at respeto ko sa mga guro. Alam ko ang inyong hirap at mga sakripisyo para lang magampanan ninyo ang inyong responsibilidad sa mga kabataang Pilipino. Alam ko ito dahil ako ay mula sa pamilya ng mga guro. At para sa aking pamilya, ang edukasyon ay kayamanan,” dagdag ni Duterte.
Hindi umano biro ang mga hamon na hinaharap ng sektor ng edukasyon ngayon.
“Alam ko ang hirap, pagod, at mga sakripisyo ng mga guro nasa public school man o nasa private school, lalong-lalo na ang mga nagsisilbi sa mga malalayo at liblib na lugar,” ani Duterte-Carpio.
“Our teachers deserve respect and admiration for their undying dedication to guiding and helping our learners, parents, and guardians when the whole world had to shift to home learning drastically because of the pandemic,” dagdag pa niya.
Aniya, babangon at babangon ang mga guro para sa edukasyon ng mga bata kahit may bagyo, lindol, baha, at kung ano-ano pang sakuna.
“At nang buksan natin muli ang ating mga paaralan para sa in-person learning, muling nanguna ang mga guro para masigurado na magtatagumpay ang ating mga hakbang. Hindi ninyo inalintana ang pagod, ang hirap, ang kritisismo, at pati ang takot na patuloy na dala ng pandemya. Bilib ako sa tibay ng puso ninyo,” ani Duterte.
“Sinasalamin ninyo ang tibay at puso ng ating bansang Pilipinas. The future belongs to the youth, but without our teachers, what kind of future this could be?” dagdag pa niya.
“Pagmamahal, respeto, at suporta — ang mga ‘yan po ang dapat nating ibigay at ipakita sa ating mga Pilipinong guro, ang dangal ng sambayanang Pilipino,” pagtatapos ng kalihim.