DepEd dapat maglabas ng datos ng mga gurong tinamaan ng COVID-19
Nais ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na maglabas ng malinaw na datos ang Department of Education sa mga guro at iba pang kawani na tinamaan ng COVID-19.
“In Quezon City alone, 6 teachers have succumbed to the Covid19 for the month of March,” pahayag ni Castro.
Nababahala si Castro na maaaring marami ang tinamaan ng virus sa sektor ng edukasyon lalo pa’t namamahagi ang mga guro ng mga modules.
“Sa kasalukuyan, walang sick leave ang mga guro, walang pondo ang Magna Carta provision para sa treatment ng mga sakit ng mga guro. Mababa rin sa listahan ng prioritization ang mga guro sa bakuna para sa Covid,” saad ng kongresista.
“Ang lumalalang kalagayan ng pampublikong edukasyon at ang pagpapahalaga sa kalusugan ng mga guro at kawani nito ay nagpapakita lamang ng napakababang pagtingin ng administrasyong Duterte sa edukasyon,” dagdag niya.
Hinimok ni Castro na maging responsable ang DepEd sa mga tauhan nitong natatamaan ng virus.
“Habang tumatagal na hindi nakokontrol ng administrasyong Duterte ang krisis pangkalusugan na ito, dumadami ang mga guro at kawani na nai-infect ng Covid at nagkakasakit dahil sa mga pahirap na mga patakaran ng distance learning. Lalo lang din tatagal na hindi ligtas na makakabalik-eskuwela ang mga kabataan at kaguruan.”
“Hanggang hindi naaayos ang krisis sa kalusugan at ekonomiya, tatagal lang din at lalala ang krisis sa edukasyon na pinapasan ng mga guro at kawani na nagsisilbing frontliner sa paghahatid ng edukasyon sa ating kabataan,” diin pa ni Castro.